|
Merong isang event na nagaganap ngayon sa baranggay namin, na para lamang sa mga samahang malalamig ang pasko. O iyong mga taong walang karelasyon, kayakap, kahalikan, kahawakan ng kamay habang ninanamnam ang kasarapan ng noche buena at sinasayawan ang kagalakan sa araw ng pagsasaya. Ayon sa nabasa ko sa mga pinamimigay nilang paanyaya, hahanapan ka nila ng kapareha sa mabilis at abot ng kanilang makakaya. Walang bayad. Ang kailangan mo lang gawin ay bihisan ang katawan mo ng pinaka magandang damit na mayroon ka. Siyempre required ang maligo.
"at sa palagay mo naman mahahanapan niyo ang mga taong 'to ng kapareha ngayong pasko?" nakasimangot kong tanong sa isa sa mga nagpapatala ng nasabing nagaganap na pangyayari, habang madiin ang ginagawa kong pagpirma sa registration form. "isa pa, ilang araw nalang ba bago magpasko? Hindi ba parang pamimilit nalang sa damdamin ng isang tao ang ginagawa niyo? Sa palagay niyo ba magkakadelopan ng ganong kabilis ang emosyon ng dalawang magkaiba ng kasarian?"
"ah hindi naman sa ganoon sir." ika ng kausap ko. Kinuha niya ang makapal na papel na nilagdaan ko at ginalugad mula dun ang sinulat kong pangalan. "though may punto kayo Mr. Cruz. Pero ang layunin namin ay makahanap kayo ng magugustuhan niyong kapareha sa lalong madaling panahon, weather bago magpasko o pagkatapos man ng pasko kayo magkakaintindihan. Hindi naman kailangan madaliin ang proseso ng panliligaw o pagturo sa puso na magmahal. Ang importante ay makahanap kayo ng mapupusuhan niyo, yun ang first step ng event. Pagkatapos ay nasa inyong dalawa na kung sa paanong parahan niyo bibitbitin ang sarili patungo sa pagkakadelopan. At saka hindi lamang 'to para sa mga naghuhunting ng girlfriend o boyfriend, pagkakataon narin 'to para magkaroon ng mga bagong kakilala o kaibigan."
"hindi ko parin maintindihan. Kahit saang anggulo mo tignan, pamimilit parin ang nais niyo."
"kuya naman! Napapahiya na ako o, andami ng nakapila sa likuran natin. Pinagtitinginan na nila tayo." bulyaw sa akin ng kapatid kong hanggang balikat ko ang taas. Lumalangoy ang makapal na makeup sa pisngi, minamakopa ang pinapulang labi at pinatirik ang pinakapal na pilik-mata. Sa isang tingin, parang pinilit niya ang paghinog ng edad. Siya rin ang may sala kung bakit nandito ako ngayon, pinagtitiisan ang maalinsangang dampi ng hangin sa gitna ng parke. Nakikipagsiksikan sa kumpol ng mga kabataan na makikilahok sa kabaliwang tagpong 'to. "tara na, pasok na tayo please?"
"sa tent number 5 po kayo Mr. Cruz at number eight naman po kayo Ms. Cruz." pagkumpirma ng nagpapatala. "enjoy yoursef."
"ok." halos magkasabay na ganti namin ng kapatid ko. Ang pinagka-iba nga lang, siya ay sabik sumagot, habang ako naman ay sising-sisi kung bakit ko pinatusan ang alok niya sa akin kaninang umaga.
"teka, bago magkalimutan. Iyong pinagkasunduan natin Lyka." pagkalas na pangungusap ko sa kaniya, habang tinatahak ang sari-sariling destinasyon. "PSP ang ireregalo mo sa akin ngayong pasko. Pinangako mo iyon, samahan lang kita dito. Ok?"
"si kuya talaga." pag-iling niya kasabay sa mahinhing pagtawa. "ang tanda mo na para 'dun. Pero fine, sige, promise is a promise."
Lumipas ang ilang sandali na ang katawan ko ay nasa event, pero naglalakwatsa naman ang aking diwa sa ibang bagay. Hindi ko tuloy namalayan na naka-upo na ako sa huliang parte sa loob ng isang gabahay sa laki na tent. Lahat ng silya ay okupado na, isa na lang ang walang laman, iyon ay ang tabing upuan ko. Sa tantiya ko, hindi bababa sa trenta ang bilang namin sa loob. Kaya ganon na lamang kadagundong ang ingay na bumabalot sa himpapawid. Nakalamukot ang aking noo habang pinagmamasdan ko silang nagkakamustahan at nagkakakilanlan, habang ang ilang katabi ko naman ay pilit na iniiwas ang silya malayo sa akin. Natatakot yatang mahiwa sa talim kong makatingin. Wala akong pakialam, dahil una sa lahat, gusto ko ng matapos ang walang saysay na event na'to. Matulog hanggang sa sumapit ang pasko at kobrahin ang pinangakong kabayarang-regalo ng kapatid ko.
"ok! All set na ba tayo? Lahat na ba may upuan na?" pamilyar na boses, yung sinungitan kong nagpapatala kanina. "oh teka, bakante pa ang isang upuan sa hulian."
Lumabas siya saglit, at pagkatapos ay may akbay-akbay na siyang babae nang pumasok muli. "dun ka sa tabi ni Mr. Suplado." kinindatan niya ako. Lahat ng mata ay tumapon sa direksiyon ko. Salamat sa pagpapakilala sa akin ginoo, ang naibulong ko.
"pwedeng makitabi?"
Natigilan ako sa pagsumpa sa lalakeng staff ng event na sumibat ulit sa labas. Nalihis tuloy ang aking tingin sa babaeng kadarating lang. "may choice pa ba ako? Iyan nalang ang bakanteng upuan na nakikita mo diba?"
"thank you!" nakangiti niyang sagot pagkalapat ng kanyang puwet sa monoblock na silya, hindi inalintana ang pagsusungit ko. "i'm Racquel Malabanan! 18 years of age! Diyan lang ako sa may kanto!"
"ok."
"alam mo pangatlong sali ko na'to dito! Naaalala ko pa yung mga activity na pinagawa nila noong una at pangalawang taon!" abot sa langit ang kasiyahan at sigla niyang dakdak. "alam mo ba, pagpapartner-partnerin nila tayo, tapos bibigyan nila tayo ng 5 minutes para kilalanin yung partner natin. Then magpapalit ng partner, pagkatapos another 5 minutes muli para sa susunod na bagong kapareha!"
"ok."
"malalaman mo ang mga hilig na gawin ng ibang tao. Makikilala mo sa saglit na panahon iyong mga taong dinadaan-daanan mo lang dati. Oh diba exciting iyon?!"
"siguro."
"nung last kong sali, nagkaroon ako ng maraming kaibigan dahil sa event na 'to! Ang saya!"
"ok."
"eh ikaw?"
"ako?" nilipat ko ang bigat ng aking katawan sa kanang parte ng balakang ko para isandal ang likuran, at pawiin ang ngalay sa puwetan.
"yep! Kwento ka about sa sarili mo!" bumibilog ang mga mata niya. Rindi na ang tenga ko sa lakas ng kaniyang boses. "gusto mo ba iyong movie na the hunger games? Kasi paborito ko iyon! Ang ganda ng kwento! Ang galing nung mga bida! Ang cool!"
"gusto ko ng umuwi, anong oras ba'to matatapos?"
"huh?" napaurong siya sa tanong ko. "alam mo may naaalala akong cartoon character sayo! Gusto mong malaman kung sino?"
"hindi ako interesado."
"si Squidward!" sumilip ng bahagya ang uhog sa kaniyang ilong, para siyang pinaparusahan sa kiliti. Nakitawa pa ang ilang grupo malapit sa amin, ngayon ko lang napansin na meron palang nakikinig sa usapan namin. Hindi na ako nagtaka, sa lakas ba naman ng boses ng babaeng katabi ko.
May pagkamalusog siya, hindi proporsyon ang hubog ng katawan niya para sa kaniyang edad. Para siyang poste ng kuryente. Deretso lang. Aaminin kong pinaglihi ako sa sama ng loob kaya ganon na lang ako kasuplado, pero hindi ko ugali ang manlait ng kapwa. Subalit kung pagmamasdan mo siya, isa lang ang masasabi mo. Wala ng paligoy-ligoy pa, ang panget niya.
"nahihiya ako kasi ang dami kong pimples." usisa sa kaniya ng lalakeng kasalukuyang kausap niya. "kaya wala akong confidence makipagkilala sa mga babae."
"bakit? Tagiyawat mo ba ang manliligaw at magsasabi ng nararamdaman mo sa taong gusto mo?" iniusog niya ng kaunti ang upuan paharap sa kausap. "wala naman rules na kailangan guwapo ka kapag manliligaw diba?"
"kaso, ang unang impression ang importante sa paningin ng iba. At kung wala kang tinatawag nilang 'K', ay hindi ka ganoon kapansinin."
"teka wala namang palipad-hangin! Tinatamaan ako e, dinudugo na nga oh!" muling nakitawa ang ilan sa kaniyang biro. Napalingon pa ang iba sa kaniyang direksyon, tila nadagdagan ng bilang ang tagapakinig niya. "oo yan ang unang requirment talaga ng marami sa atin. Iyon kasi ang mahirap e. Mahilig tayo sa mga bagay o nilalang na parang gamo-gamo, maganda sa paningin pero kapag wala mong ingat na hinawakan, mapapaso ka lang. Meron talagang mga babae o lalake na hanap ay maganda sa paningin, pero hayaan mo iyong mga iyon! Kasi kawawa sila. Hindi tunay na umiibig ang mga iyon, kasi inuuna ang mata kesa puso. Huwag mong ipagsiksikan ang sarili mo sa mga taong ganon. Hindi ka naman keychain para gawing pandisplay."
"hindi rin siguro, paano iyong mga talagang nagmamahalan na guwapo o maganda ang mga karelasyon nila?" salungat nung isa.
"ah! Inabot ang mga taong iyon ng lagpas sa maraming buwan bago sinagot ang manliligaw. Minsan nga taon ang ginugugol e. Guwapo o maganda nga siya, pero paano ang ugali? Siyempre nangingilatis parin ang mga iyon ng mahige, therefore nasa 1st place parin ang puso kapag ganon. Pero kung agad sinagot ang guwapong manliligaw, hmn, baka kinilig lang siya dahil sa abs nung guy?" tawanan muli sa loob ng tent, nakuha na niya halos lahat ng attensiyon ng marami sa maikling panahon lang. "basta sa panliligaw, hindi basehan ang tapang ng muscles mo o ningning ng ngiti mo. Kundi ang tapang at ningning ng puso mo. Kung kulang ka sa isang bagay, dahanin mo sa kung saang parteng mahusay ka. Tandaan nalang lagi, na kung puro magagandang mukha lang ang may karapatan na magkarelasyon, bakit may mga artistang panget?"
"paano iyong mga matataba? Nakakawala din kasi ng confidence dumiskarte kapag conscious ka sa pangangatawan mo." singit pa nung isa.
"bakit kayo nakatingin sa akin?" seryosong pagsibangot niya na sinundan naman kaagad ng halakhak ng mga nakapalibot sa kaniya. "payo ko lang sa mga katulad kong may malusog na katawan, hayaan niyo lang na dambuhala kayo. Kaya nga tumaba ka dahil sa hilig mong kumain diba? So bakit mo isusuko ang gustong-gusto mong ginagawa para sa mga taong wala naman pakialam sayo? Doon ka sa mga taong naa-appreciate ka dahil sa lakas mong lumamon. Hindi ka naman rarampa sa mga bikini open e, magmamahal ka."
"hindi ka ba natatakot na walang magmamahal sayo dahil sa taba mo? Baka nga magkasakit kapa sa puso kapag hindi mo binawasan ang pagkain." tanong ng isang lalakeng lumipat ng pwesto malapit kay Racquel.
"hindi. Kasi lahat ng bagay o pangyayaring nararanasan mo araw-araw ay may kaukulang dahilan. Hindi naman ako lolobo ng ganito kung walang purpose diba? Sa ngayon aminado ako na hindi ko pa alam kung ano ang purpose ng balyena kong katawan, pero alam ko may reason kung bakit. Siguro para hindi marape? Uso kasi ngayon yon e, sino ba naman ang magnanasa sa akin? Mahihirapan silang ihiga ako, baka nga madaganan ko pa sila." galapakan nanaman ang bumalot sa loob ng maalinsangan na tent. "mahal ko ang katawan na'to. Pagyurak sa dignidad kung ikaw mismo ang lalait sa sarili mo. Nag-uumpisa ang kawalan ng cofidence sa takot. Imbis kasi na gumawa ng paraan para yayaing makipagdate yung crush mo, e inuulan ng pagkawalang galang sa sarili. Naniniwala ako na tiwala sa sarili ang unang hakbang sa tagumpay."
"easier said than done." bitaw ng isang babae sa sulok, nakapangalumbaba at nakatitig kay Racquel.
"tama, pero ipagpatuloy mo yang attitude na yan, tiyak ilang taon kang magiging miserable. Huwag kasing negative. Simulan mong kumilos."
Nagpatuloy ang batuhan ng ilang tanong sa kaniya, na agad naman niyang sinasalag ng sagot. Hindi naglaon, nasa kaniya na lahat ng attensiyon ng mga tao sa paligid namin. Sa isang higlap, lahat ng mata ay nakapatong na sa kanyang balikat. Kahit ako, na sa kabila ng pagiging iritable ko kanina, bigla nalang ang aking pagkalma. Taimtim kong siyang pinapakinggan, at lihim kong nginingitian ang mga sundot niya na nakakapagpagulong sa tawa sa mga kasamahan namin. Marahil nag-eenjoy akong panoorin siya. Iyong tipong gusto ko pa siyang marinig magsalita ng matagal. Hindi siya nakakainip kausap. Sumasabog na tila paputok sa ere ang bawat salitang ibinabala ng kanyang bibig.
"aba! Parang kilala niyo na ang lahat ah!" pag-udlot sa amin ng isang staff sa event. "ah kaya naman pala, andito si Ms. Racquel. No wonder na bibo ngayon 'tong ihahandle kong group. Hindi na ako mahihirapang tunawin ang yelo sa inyong mga katawan."
Nagpakilala ang bagong dating, na magsisilbing parang guro na magpapayo o mangunguna sa mga activities na gagawin namin. Sa simula ay pinapili kami kung sino ang gusto naming makapareha. Halos lahat sa mga kalalakihan ay si Racquel ang nais. Hindi na ako magtataka. Dahil maging ako man din ay muntikan ng magtaas ng kamay at piliin si Racquel bilang kapartner sana, kung hindi lang ako nagpigil ng sarili. Labis ang pagkamangha ko sa dalagang 'to, hindi ko alam kung bakit. Tila nababalutan ng mahikang gayuma ang buo niyang pagkatao na unti-unti kang paaakitin at susunggaban kapag nabihag ka na.
"parang nag-enjoy ka kuya ah! Abot sentido ngiti mo oh!" bati sa akin ng kapatid ko pagkalabas sa sarili nilang tent. "naka jockpot ka no? Sino napasagot mo huh?"
Ginagalugad ko ng tingin ang kaluwangan ng parke. Sinusuyod ang bawat sulok. Sinisino ang kumpulan ng mga tao. Hindi ako mapakali sa pagtanaw kasabay sa paghalungkat.
"o sinong hinahanap mo kuya?" paghila ng kapatid ko sa suot kong t-shirt.
"ayun!" bulalas ko sabay tulak sa direksiyon ni Racquel.
Nakakahiya man, pero lulunukin ko ng buo ang mga katagang binitawan ko kanina. Posible din palang magka-interest sa isang tao ng ganon-ganon nalamang. Kahit na sandali mo lamang ito nakasama o nakausap. Hindi ang physical na anyo ang maghahatol ng pakiramdam, kundi ang emosiyon na mangangalabit sayo.
Nakita niyang papalapit ako sa kaniyang puwesto, kaya isang ngiti kasabay ng kaway ang binati sa akin. Biningwit ko sa bulsa ang aking cellphone at hinanda ang sarili para siya'y kausapin.
"hi babe! Kamusta ang event?" yakap sa kaniya bigla ng isang lalake na sa tingin ko ay nakita ko na sa kung saan. "nag-enjoy kaba huh?"
"ui! Babe!" nilapatan niya ng mabilis na halik sa labi ang lalakeng pumasok bigla sa eksena. "ok lang, madami ako nakilala. Ai, oo nga pala, siya si Tony Cruz. Seatmate ko siya kanina sa event."
"kamusta ka pare?" niyaya niya ako na makipag-kamay. Sa pagitan ng pag-tataka, sumagi sa isip ko kung saan ko nga ba siya nakita. Nang biglang makal-kal ng utak ko ang isang imahe sa poster. Model siya ng isang sikat na clothing company.
"ah...Eh.,okay lang..." yamot kong sagot, kasabay sa pagsuksok ng cellphone sa aking bulsa.
|