|
BLACK TOWERS – Chapter 1 – Parating na Sila
Chapter 1
Parating na Sila
September 2009
Pinagdaop ni Aling Marisol ang kanyang mga palad at saka ikiniskis at binugahan ng hangin. Pagkatapos ay pinagpag niya ang mga kamay na para bang basa ang mga ito. Lumalamig na ang simoy ng hangin kaya’t nagpapapansin na naman ang kanyang artraytis.
“’Ber na kasi,” ang laging sabi ng kanyang asawang si Lando. “Tanda yan na malapit na ang Pasko.”
Pasko, nakangiting naisip ni Marisol. Parang kahapon lang ang Pasko, ngayon magpa-Pasko na naman.
Lumingon siya sa kaliwa pagkatapos ay sa kanan bago tumawid. Wala namang masyadong dumadaang sasakyan dahil alas-diyes na ng gabi. Makikitid lang din naman ang mga kalsada sa kanilang baranggay kaya’t halos mga tricycle at motorsiklo lamang ang karaniwang dumadaan doon. Sa ilalim ng isang streetlight ay may mangilan-ngilang mga kabataan ang nakatambay, nagyoyosi at nagtatawanan. Napa-iling lang si Marisol sa nakita.
Madilim ang gabi dahil sa natatakpan ng makakapal na ulap ang buwan. Dagdagan pa ito ng napakaraming puno na naghahasik ng maiitim na anino sa paligid. Kahit sampung taon na siyang nabubuhay dito sa Mandaluyong, malimit pa rin niyang naalala ang mga kuwentong kababalaghan at katatakutan ng kanyang lola Iska sa probinsya noong bata pa siya. Mapamulto, aswang, at lamanlupa, tiyak ay hindi mauubusan ng kuwento ang matanda.
Beep!
Nagulat si Marisol sa busina ng isang dumadaang tricycle.
“Aling Marisol. Ginabi yata kayo, ha?” bati ng drayber.
“Ikaw pala, Ben,” sabi ni Marisol. Nakahawak siya sa kanyang dibdib, ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. “Pinuntahan ko pa kasi si Bumbay, naghulog sa pautang.”
“Ganun ba? Mabuti pa, sabay na kayo sa’kin. Pauwi na rin naman ako.”
“Ay naku, salamat naman.” Mabilis na sumakay si Marisol sa tricycle. Hindi maipinta ang ngiti sa kanyang mga labi. Kahit marami ng kulubot, marami ang nagsasabi na lumiliwanag daw ang kanyang mukha kapag siya ay nakangiti.
Napakabuti naman ng batang ito.
“Kamusta ho ang pagtitinda?” tanong ni Ben.
Napabuntong-hininga ang babae. “Hay naku, medyo mahina. Paano, may napabalita na naman kasi sa TV na red tide. Ayun, natatakot tuloy bumili ang mga tao ng tahong.”
“Malayo naman dito yung red tide, ha?”
“Ayun nga ang sinasabi ko. Pero, marami talaga ang ayaw bumili.”
Ilang minuto ang nakalipas ng tumigil ang traysikel sa harap ng isang gate na gawa sa kawayan. Mababa lamang ito at halos natatakpan na ng mga baging at ng kung anu-anong halaman. Sa loob ay makikita ang isang maliit na bahay. Gawa lamang ito sa kahoy, walang pintura. Ang bubungan naman ay mula sa pinagtagpi-tagping yero, na pinatungan ng mga gulong upang hindi liparin ng hangin.
“Naku salamat, ha. Ikamusta mo na lang ako kay kumare,” sabi ni Marisol.
“Opo. Sige, mauna na ho ako.” Mabilis na umarangkada ang tricycle.
Tinanggal ni Marisol ang pagkakapusod ng kanyang buhok na halos kulay abo na, at pagkatapos ay nag-inat-inat ng likod. Nang maginhawaan ay humarap siya sa kanilang bahay, iniisip ang mga gawaing dapat tapusin bago matulog. Binuksan niya ang kawayang gate upang pumasok.
Natigilan siya ng maramdamang may dumaan sa likod niya. Lumingon siya sa kanyang likuran at nakita ang isang pamilyar na mukha.
“Letty? Letty, ikaw ba yan?”
Tuloy-tuloy lamang sa paglalakad ang babae.
“Letty. Ako ito, si Marisol.”
Biglang tumigil ang babae ngunit hindi ito humarap. Dahan-dahan namang lumapit si Marisol.
“Letty?”
Hindi sumagot ang babae. Nakatitig lamang ito sa malayo.
“Letty, ang tagal nating hindi nagkita, ah.” Masaya si Marisol na makita ang dating kaibigan. “Saan na ba kayo nakatira ngayon?”
Hinawakan niya sa braso ang kaibigan ngunit agad din siyang napabitaw. Kasabay nito ang paglaki ng kanyang mga mata.
Ang lamig ng braso, naisip niya. B-Baka dahil sa malamig na simoy ng hangin.
Inakap ni Marisol ang sarili at hinimas-himas ang mga braso upang pahigain ang mga nagtatayuang balahibo. Tinitigan niya si Letty. Kahit dalawang taon na ang nakalipas ng huli silang magkita, halos wala namang nagbago sa hitsura nito. Ngunit parang mayroong kakaiba sa kanyang kaibigan na hindi niya mapagtanto. Para rin bang tumangkad ang babae at ngayon nga ay medyo nakatingala pa siya upang tingnan ito sa mata.
“Gabing-gabi na, ah. Saan ka ba pupunta?”
Dahan-dahang itinaas ni Letty ang kanyang kanang kamay, may itinuturo sa malayo. Sinundan naman ng tingin ni Marisol ang daliri ng babae. Sa di kalayuan, tanaw niya ang dalawang matatayog na gusali.
“S-Sa Black Towers? Dun ka pupunta? Pero…”
Hindi naituloy ni Marisol ang sasabihin sapagkat muling naglakad si Letty.
“Sandali. Letty.”
Para bang hindi siya naririnig ng babae. Tuluy-tuloy lamang ito sa paglalakad.
Ano naman ang gagawin niya sa Black Towers? tanong ni Marisol sa kanyang sarili. Hindi kaya-
Muling siyang natigilan. Napansin niya na nakayapak lamang si Letty. Nanggigitata sa dumi ang mga paa nito, na tulad ng sa isang taong grasa.
“Letty,” muling tawag ni Marisol ng biglang nanlaki ang kanyang mga mata. Bigla rin siyang napabuga ng hangin na para ba siyang sinikmuraan.
Kaya siya tumangkad. Kaya siya tumangkad, ang paulit-ulit na tumatakbo sa isipan niya.
Titig na titig pa rin siya sa mga paa ng kaibigan. Hindi niya maintindihan ang nakikita. Para ba siyang nanaginip – hindi – binabangungot. Napahawak ang dalawang kamay niya sa magkabilang sentido. Kung may makakakita sa kanya, tiyak iisipin na para siyang nababaliw.
Hindi sumasayad ang mga paa niya sa lupa. Lumulutang siya!
Biglang nakarinig si Marisol ng mga kaluskos sa kanyang likuran. Mabilis siyang tumalikod, inaasahang makikita ang kaibigan sa kanyang likuran. Ngunit mas malala pa ang kanyang nakita.
Hindi mabilang na tao ang dahan-dahang naglalakad sa kanina lamang ay bakanteng kalsada. Lalaki, babae, bata, matanda. Lahat sila ay iisa ang direksyong tinutungo. Lahat sila ay walang emosyon ang mga mukha. Lahat sila ay hindi sumasayad ang paa sa lupa.
“Gregory. Aling Sharon. Ka Bobit,” isa-isang binanggit ni Marisol ang mga pangalan ng ilan na kilala niya. Ngunit parang hindi siya nakikita ng mga ito. Tuloy-tuloy lamang sila sa paglalakad. Paglalakad patungo sa…
Biglang napalingon si Marisol. “Sa Black Towers!”
Chapter 2
Tulog Na
October 2009
“Oh, anak. Maayos ba ang lagay mo diyan?”
Napabuntung-hininga si Lucy. Inilipat niya ang hawak na cellphone sa kabilang tainga. “Ma naman.”
“Oo na, oo na.”
Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa mag-ina. Tinitigan ni Lucy ang mga kuko sa paa, pagkatapos ay iginala ang tingin sa paligid. Mula sa kinauupuan niyang kama ay kita niya ang buong silid. Oo nga’t studio type lamang ang condo unit na tinitirhan, ngunit ang mahalaga ay kanya naman ang unit na iyon.
Sinilip niya ang orasan na nakasabit sa pader. “Sige Ma, male-late na ako sa trabaho.”
“O siya, siya. Ay, oo nga pala. Nabayaran na ng Papa mo yung mga monthly fees mo.”
Biglang napasimangot si Lucy.
“Ma! Di ba sabi ko ako na ang bahala sa mga fees? May trabaho na naman ako, eh.”
Dinig ni Lucy ang pagsinghap ng kanyang ina.
“Eh kasi naman anak, hindi mo naman kailangan pang magtrabaho.”
Hindi na sumagot pa si Lucy. Siguradong magtatalo lamang kasi sila ulit ng kanyang ina.
“Hello? Hello?”
“Sige na, Ma,” mabilis na sabi ni Lucy. “Kailangan ko nang pumasok.” Hindi na niya hinintay na makasagot ang kausap at agad na pinutol ang tawag. Muli siyang napabuntung-hininga at napahiga sa kama.
Bakit kasi hindi nila maintindihan? tanong niya sa sarili. Muli niyang iginala ang tingin sa loob ng kanyang unit. Maliit lamang ito at kakaunti pa lamang ang gamit, ngunit maayos at malinis naman ito. Bagamat naiinis pa rin ay hindi niya mapigilan ang mapangiti.
“Hay, kailangan ko na talagang pumasok.” Mabilis siyang tumayo at tinungo ang banyo upang maligo.
###
“Thank you for calling.” Pagka-release ng kanyang kausap sa telepono ay agad na naglog-out si Lucy sa kanyang computer station. Alas-tres na ng madaling araw. Kanina pa namumugto ang kanyang mga mata at panay-panay ang paghikab. Sa kanyang paligid, abala ang mga tulad niyang call center agents sa pakikipag-usap sa mga customers nilang mga Amerikano.
“O, Lucy. Uwi ka na?”
Lumingon si Lucy sa kanyang likuran at nakita ang kanyang Team Leader na si Brian.
“Yes, boss. Sa wakas!”
“Kamusta ang mga calls? These past couple of weeks, medyo mababa ang quality scores mo, ha. May problema ba?”
Pinilit ngumiti ni Lucy. “Naku, wala. Medyo pagod lang siguro. Sigurado this week, 100% QA na ko.”
“Aba, dapat lang,” sagot ng kanyang TL sabay tapik sa kanyang balikat. “Remember, malapit na ang regularization mo at dapat, at least 97.5% ang QA average mo.”
Tumango lamang si Lucy.
“O, sige. Ingat ka, ha. Teka, saan ka nga ba nauwi?”
Muling napangiti si Lucy, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi siya napipilitan.
“Diyan sa Black Towers.”
“Black Towers? Yung condo?”
Mabilis na tumango si Lucy, parang isang batang sabik na tinatanong kung gusto nito ng kendi.
“Wow! Bigatin ka pala,” bilib na sabi ni Bryan. ”Di ba’t mahal ang unit doon? Buti afford mo?”
Bahagyang nawala ang ngiti ni Lucy. Napalingon siya sa kanyang kanan, para bang hindi matingnan ang kausap.
“Well, actually,” mahina niyang sabi, “parents ko ang nagbabayad ng unit.”
“Aaah…”
“Pero ako na naman ang nagbabayad ng mga fees,” mabilis niyang dagdag. “Pati mga bills at groceries ko, ako na ang gumagastos!”
“Wow,” muling sabi ng kanyang kausap. “Very independent ka na pala kahit bata ka pa. Ilang taon ka na nga ba?
“Twenty-three sa December.”
“Uy, malapit na pala. Tamang-tama, magpa-party ka sa condo mo, ha!”
“Walang problema,” sagot ni Lucy sabay tawa.
“O, sige,” paalam ni Brian. “Don’t forget yung stats mo, ha.”
Nakangiting sumaludo si Lucy sa kanyang boss.
Kung alam niyo lang kung gaano kahalaga para sa akin ang maregular, nasabi niya sa sarili.
###
“Taxi? Ma’am taxi kayo?”
Mabilis na sinipat ni Lucy ang puting taxi na pumara sa kanyang harapan. Lumang modelo ito at halatang kinakalawang na. Madungis ito at maputik pa ang mga gulong. Hindi rin ito kabilang sa malalaking grupo ng mga taxi at nakarehistro lamang sa pangalan ng may-ari.
Mabilis na umiling si Lucy at lumakad ng ilang hakbang papalayo. Tumingin siya sa kanyang suot na relos at napasinghap. Ipinadyak-padyak niya ang mga paang sumasakit na sa kakatayo.
Beep! Beep!
Lumingon si Lucy sa direksyon na pinanggalingan ng tunog at napabuntong-hininga sa nakita.
“Sa wakas,” mahina niyang sabi.
Malinis at makintab ang kulay dilaw at berdeng katawan ng papalapit na taxi. Mukhang bago pa rin ang kotse na sa tantiya ni Lucy ay wala pang dalawang taon. Nang tumigil ito sa kanyang harapan, agad siyang sumakay at naramdaman ang malamig na hanging buga ng aircon.
“Saan tayo, ma’am?”
“Sa Black Towers, po. Sa Boni.”
Maluwag pa ang kalsada kaya’t mabilis ang andar ng taxi. Tanging mga naglalakihang truck lamang at mangilan-ngilang sasakyan ang makikitang bumabiyahe sa EDSA. Tahimik na nakamasid si Lucy sa bintana. Ang drayber naman ay abalang nakikipag-usap kung kanino gamit ang isang two-way radio na nasa kanyang dashboard.
Wala pang kinse minutos ay nakarating na ang taxi sa Black Towers. Pumihit ito sa drop-off area at tumigil sa tapat ng malaking salaming pintuan ng gusali.
“P95 lang po,ma’am,” sabi ng drayber.
Mabilis na nagbayad si Lucy at agad na bumaba ng taxi. Nag-inat-inat siya at tinakpan ang kanyang paghikab. Kanina pa niya iniisip ang magandang condo unit lalo na ang kanyang malambot na kama. Papasok na sana siya sa gusali ng may makakuha ng kanyang atensyon.
Isang babae ang nakatayo sa kabilang kalsada. Nakasuot ito ng isang kulay abong bestida. Hindi niya gaanong makita ang mukha nito dahil isang kulay itim na balabal ang nakabelo sa kanyang ulo. Sa kanyang mga braso ay buhat-buhat nito ang isang bagay na nakabalot ng isang puting tela, na sa tingin ni Lucy ay isang sanggol. Hindi gumagalaw ang babae. Nakatingala lamang ito at nakatitig sa Black Towers.
Isang humaharurot na 16-wheeler truck ang maingay na dumaan sa kalsada, na ikinagulat ni Lucy. Nang makalagpas ang sasakyan ay wala na ang babaeng may karga-kargang sanggol. Bagamat nagtataka ay ipinagkibit-balikat na lamang niya ito at pumasok na sa Black Towers. Paghiga niya sa kanyang kama ay nakalimutan na niya ang tungkol sa babaeng kanyang nakita.
###
Ramdam ni Lucy ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Sa kanyang tabi, abala ang kanyang TL Brian sa kanyang computer. Tinitingnan nito ang ilang files na puro numero at charts. Lumipas ang ilang minutong katahimikan.
Dahan-dahang humarap si Brian kay Lucy. “So, how do you think you did?”
Pinilit ngumiti ni Lucy. “Well, I did my very best.”
Biglang napasimangot ang lalaki. “Your best?”
“Y-Yes?” Napahawak si Lucy sa kanyang dibdib.
“Well, guess what? Your best just got you regularized!”
“Oh my God!”
Isang malakas na tawa ang sagot ni Brian.
“Wow,” bulalas ni Lucy, “I must be the happiest person in the world right now.”
“I bet,” nakangiting sabi ni Brian. “Pero, this is not the end. This is just the beginning. I expect that you work doubly hard now that you are regularized.”
“Don’t worry, boss. You won’t have problems with me. Promise yan!”
Parang naglalakad sa ulap si Lucy hanggang uwian. Kahit na medyo natagalan siya sa paghihintay ng taxi ay hindi nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang tanging iniisip lamang niya ay kung paano sasabihin sa kanyang mga magulang na naregular na siya. Tiyak, matatanggap na rin nila na hindi na siya isang bata, na kaya na niyang mabuhay ng mag-isa. Hindi na nila siya kukulitin na huwag ng magtrabaho at umuwi na lamang sa kanilang bahay.
Halos hindi na niya napansin ang biyahe papuntang Black Towers. Nagulat na lamang siya ng tumigil ang taxing sinasakyan sa harapan ng gusali.
“P90 pesos lang po ma’am.”
Dahil sa maganda ang mood, inabot ni Lucy ang isang daang piso sa drayber at hindi na naghintay pa ng sukli. Agad siyang bumaba ng taxi at mabilis na pumasok sa building. Binati siya ng guwardiya, na sinuklian niya ng ngiting hanggang tainga.
Pagdating sa elevator lobby ay pinindot niya ang Up button. Agad namang bumukas ang isa sa anim na elevators. Pumasok si Lucy sa loob, inilipat ang sukbit na bag sa kabilang balikat, at pinindot ang 14th floor button. Dahan-dahang nagsara ang dalawang pintuan ng elevator.
“Sandali!” isang sigaw ang ang narinig ni Lucy. Boses ng isang babae.
Agad pinindot ni Lucy ang Open button ng elevator. Isang babae ang mabilis na pumasok sa loob at dumiretso sa likuran. Sinundan ng tingin ni Lucy ang babae, na parang namumukhaan niya.
Nakasuot ang babae ng isang kulay abong bestida. Isang itim na balabal ang nakabelo sa kanyang ulo, na tumatakip din sa kanyang mukha. Nakatungo ang babae at nakatitig sa hawak-hawak niyang balumbon na nakabalot ng puting tela, na sa pakiwari ni Lucy ay isang sanggol.
Muling nagsara ang pintuan ng elevator.
Biglang naalala ni Lucy kung saan niya nakita ang babae. Noong isang araw, nakatayo ang babaeng ito sa tapat ng Black Towers. Suot-suot din nito ang kaparehong bestidang abo at belo, at bitbit pa rin nito ang kanyang sanggol. Noong nakita ni Lucy ang babae, nakatitig lamang ito sa gusali na para bang may hinihintay.
Baka may kakilalang dito nakatira, naisip niya.
“Tulog na. Tulog na. Tulog na ang baby.”
Nagulat si Lucy ng biglang kumanta ang babae. Katunog nito ang awiting pampatulog na Lullaby. Nakatungo pa rin ang babae at nakatingin sa kanyang anak ngunit nagsimulang umindayog ang kanyang katawan kasabay ng himig ng kanyang awitin.
“Tulog na. Tulog na. Tulog na ang baby,” malamig ang boses ng babae, nakahahalina.
Nakakatuwa naman, naisip ni Lucy ng may ngiti sa labi. Muling siyang humarap at pinagmasdan ang numero sa elevator.
5… 6… 7…
“Tulog NA! Tulog NA! Tulog NA ANG BABY!
Napatalon si Lucy ng biglang sumigaw ang babae sa kanyang likuran. Muli niyang nilingon ang babae, na nakatingin pa rin sa hineheleng sanggol.
“Tulog NA! Tulog NA!
Halos tumitili ang babae. Para bang nakararanas siya ng matinding sakit at kirot. Wala na rin sa tono ang kanyang pagkanta.
“TULOG NA!” Halos nanginginig na ang buong katawan ng babae sa kasisigaw. Ang ulo nito, na nakatungo pa rin, ay pumapaling sa kanan at sa kaliwa na para bang mababali ang leeg nito.
Napatakip ng tainga si Lucy. Pakiramdam niya ay binibiyak ang ulo niya sa tinis ng boses ng babae. Para bang umiikot ang kanyang paligid. Napasandal siya sa malamig na bakal na pader ng elevator, nanghihina ang tuhod.
“T-Tama na,” mahina niyang nasabi.
Muli niyang tiningnan ang babae. Sa pagkakataong ito, napansin niya na hindi pala kulay abo ang bestidang suot nito. Kita niya na dati ay kulay puti ang bestida, ngunit ngayon ay nababalot na ng natuyong putik. Para bang gumulong ang babae sa lupa. Napansin din ni Lucy na nakayapak lamang ang babae, at ang mga binti at paa nito ay nangungutim sa dumi at putik.
Humakbang papalapit ang babae. Kasabay nito ay itinaas niya ang hawak-hawak na sanggol na para bang iniaabot kay Lucy.
“Tulog NA! Tulog NA! TULOG NA ANG BABY!”
Sumigaw si Lucy. Sumigaw siya ng sumigaw ngunit hindi niya naririnig ang kanyang sarili. Tanging ang nakakikilabot na pagkanta lamang ng babae ang kanyang naririnig.
“TULOG NA! TULOG NA! TULOG NA ANG B-“
Ting!
Isang matinis na tunog ang narinig ni Lucy. Kasunod nito ay bumukas ang pintuan ng elevator. Nasilaw si Lucy sa liwanag na nagmumula sa hallway ng 14th floor.
Kailangang makalabas, ang tanging tumatakbo sa isipan niya.
Kahit nanghihina ay pinilit ni Lucy na humakbang. Pagkalabas niya ng elevator ay biglang bumuti ang kanyang pakiramdam. Kasabay nito ay tumigil ang malakas na pagkanta na nagmumula sa loob ng elevator. Dito ay natigilan si Lucy. Dama niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Dahan-dahan siyang umikot sa pinagkakatayuan. Dahan-dahang humarap sa nakabukas na elevator kung saan siya nakasakay kani-kanina lamang.
Hindi siya makapaniwala sa nakita.
Walang tao sa loob ng elevator. Napako ang kanyang tingin sa lugar na kinatatayuan ng babae kani-kanina lamang. Isang babeng naglahong parang bula.
Dahan-dahang nagsara ang pintuan ng elevator.
“Tulog na. Tulog na,” narinig ni Lucy mula sa kanyang likuran.
Hindi na niya nagawa pang lumingon. Biglang nanghina ang kanyang mga tuhod at napasalampak na lamang siya sa malambot na carpet na nakalatag sa hallway. Ngunit, hanggang sa kadiliman ng kanyang isipan, ay naririnig pa rin niya ang malamig na tinig ng babae.
“Tulog na ang… BABY!”
Chapter 3
CCTV
November 2009
Ipinikit ni Angelo ang mga mata at marahang minasahe ang magkabilang sentido gamit ang hinlalaki at hintuturo ng kanang kamay. Sa kanyang kaliwang kamay ay hawak niya ang isang two-way radio.
“Say again, Control?”
Inilapit ni Angelo sa bibig ang hawak-hawak at pinindot ang buton para makapagsalita.
“Na-check mo niyo na ba yung parking sa B2?” tanong niya sabay dilat. Sa kanyang harapan ay napakaraming TV monitors ang nakasabit sa dilaw na pader. Bawat isa ay nagpapakita ng iba’t ibang bahagi at lugar sa Black Towers. Nakatuon ang kanyang pansin sa monitor na nasa dulong kaliwa sa pinaka-ibabang hanay. Nakasulat dito ang numerong “1”. Sa monitor, nakaupo ang isang guwarding nakasuot ng barong sa isang brown na desk. Halatang sa isang sulok ng silid na iyon nakalagay ang CCTV dahil kitang-kita ang buong silid.
“Affirmative yan, sir,” sagot ng kausap niya.
Inilapag niya ang two-way radio sa lamesa at sumandal sa inuupuang reclining chair. Sinilip niya ang digital na orasan na nakasabit sa pader.
7:00 PM
Dalawang oras na lamang ay uuwi na rin siya. Pang-walong araw na niyang diretsong pasok ito sapagkat kinakailangang may pumalit sa kanyang kasamahan na dalawang araw ng wala. Ngunit bukas ay makakapagday-off na rin siya.
Kinusot niya ang dalawang mata, na kanina pa naluluha. Tiyak rin niya na namumula na ang mga ito. Pagkatapos ay nag-inat-inat siya na sinabayan pa ng malakas na paghikab.
Muli niyang ibinalik ang pansin sa mga monitors sa kanyang harapan.
Sa isa sa mga monitors makikita ang Olympic-sized, indoor swimming pool kung saan ilang pamilya ang masayang nagtatampisaw sa tubig. Sa isa naman ay makikita ang isang lalaking naka-amerikana na tahimik na nakatayo sa loob ng elevator. Ngunit karamihan ay ipinapakita ang mga pasilyo sa iba’t ibang palapag ng gusali.
Isang monitor, ang monitor number 3, ang nakakuha ng atensiyon ni Angelo. Makikita rito ang front entrance ng Black Towers. Sa monitor, isang lalaki nakasando at shorts ang mabilis na pumasok. Madungis ang lalake, parang isang taong grasa. Sa tabi ng salaming pintuan ay nakatayo ang isang guwardiyang nakabarong at nakamasid sa labas. Hindi nito pinansin ang lalaking pumasok. Tuluy-tuloy lamang ang lalaki hanggang sa mawala sa camera.
Inilipat ni Angelo ang tingin sa monitor 4. Dito ay nakuha ng camera ang lalaki na dumaan sa harapan ng reception desk. Mukhang abala sa kanyang computer ang babaeng receptionist kayat hindi nito napansin ang dumaan. Sinundan ni Angelo ang lalaki sa monitor, na nakita niyang pumasok sa Eagle Conference Room.
Agad kinuha ni Angelo ang two-way radio. “Control to Charlie. Do you copy?”
“This is Charlie. Go ahead,” isang boses ng lalaki ang mabilis na sumagot. Sa monitor 3, makikita ang guwardiya na may hawak-hawak na ring radio. Nakataas ito, malapit sa kanyang mukha.
“Bakit pinapasok mo yung lalaki? Over.”
Ilang segundo ang lumipas bago nakasagot ang kausap. “Say again, Control?”
“Yung lalaking pumasok, bakit hindi mo pinigilan? Over,” iritang sagot ni Angelo.
“Wala namang pumasok, ah. Kelan ba yan? Over.”
“Ngayon lang!” sagot ni Angelo sabay hampas ng kamao sa lamesa. “Taong grasa ata. Pumasok lang basta. Hindi nga rin nakita ni Brenda. Dire-diretso yung lalaki sa Eagle Room.”
Sa monitor, tumalikod ang guwardiya, mukhang may kinakausap. Ang receptionist naman ay nakaharap sa kanyang kanan, pagkatapos ay biglang umiling.
“Sa Eagle Room ba kamo pumunta, Control? Over.”
Napabuntung-hininga si Angelo. “Oo. I-Check mo, bilis.”
“Roger yan. Standby.”
Pinanood ni Angelo ang guwardiya na patakbong pumasok sa loob ng gusali. Dumaan ito sa isang hallway hanggang tumigil sa harapan ng dalawang kahoy na pintuan na may dibuho ng isang malaking agila. Agad pumasok ang guwardiya.
“Charlie to Control. Wala namang tao dito. Over.”
“Imposible. Diyan pumasok yung lalaki. Check mo baka nagtatago.”
Sa monitor, makikita ang guwardiya na nagpapalinga-linga. Pagkatapos ay yumuko ito at sumilip sa ilalim ng malaki at mahabang lamesa na nasa gitna ng silid.
“Control. Wala talaga. Baka nakalabas na.”
“Negative, Charlie. Binantayan kong maigi ang monitor. Hindi pa lumalabas yung lalaki,” sagot ni Angelo. Nakakunot ang kanyang noo, para bang malalim ang iniisip. Nagdadalawang-isip.
“Wala talaga, Control. Walang tao dito.”
“Sige,” muling napabuntong-hininga si Angelo. “Patrol ka diyan sa ground. Hail ko na lang yung iba. Hintay kayo ng instructions. Over, out.” Tumayo siya at tinitigang mabuti ang mga monitors.
“Saan ka nagpunta?” tanong niya sa sarili. “Saan ka nag-“
Bigla siyang napalingon sa monitor 3. Dalawang madudungis na lalaki ang pumasok sa front entrance. Tulad ng nauna, dire-diretso lamang sila at pumasok sa Eagle Room.
“What the?” bulalas ni Angelo. Muli niyang kinuha ang two-way radio.
“Control to Charlie. Meron na namang pumasok. Dalawang lalaki. Dumiretso sa Eagle Room.”
Walang sumagot kay Angelo. Tanging static lamang ang kanyang narinig.
“Control to Charlie, do you copy?”
Hinanap niya ang guwardiya sa monitor at nakitang chine-check nito ang iba pang conference rooms.
“Control to Charlie, do you copy?”
Hindi kinuha ng guwardiya ang kanyang two-way radio. Para bang hindi nito naririnig si Angelo.
“Pambihira!”
Sa monitor 3, nakita ni Angelo na mayroon na namang pumasok. Isang matandang lalaki, isang matabang babae, at tatlong bata.
“Ano ba ito?” Ramdam ni Angelo ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. “Control to Echo 1. Do you copy?”
Wala pa ring sumagot sa kanya.
“Hello! All call signs. This is Control. Respond.”
Static lamang ang sumagot sa kanya.
Lalong nanlaki ang mga mata ni Angelo ng mayroon na namang pumasok sa front entrance. Anim na lalaki at apat na babae. Lahat sila ay marurungis, parang mga pulubi sa kalsada. Lahat sila ay dire-diretso lamang sa loob ng gusali, hindi nakikita ng receptionist.
Ibinato ni Angelo sa sahig ang hawak na two-way radio at napamura. Hindi niya pansin na tumatagaktak ang pawis sa kanyang noo.
Muli niyang sinilip ang monitor. Tatlong matatandang lalaki ang pumasok sa entrance.
Agad na lumabas si Angelo sa Control Room. Alam niya na hindi siya dapat umalis ng walang kapalit ngunit wala na siyang ibang magagawa. Tumakbo siya patungo sa front doors.
“Anong…” dinig ang galit sa boses ni Angelo. Lumapit siya sa reception desk, nanlalaki ang mga mata. Wala si Brenda.
“Saan naman nagpunta iyon? Iniwan lang nang basta ‘tong front desk!”
Isang kalabog ang gumulat kay Angelo. Mabilis siyang napalingon sa pinanggalingan ng tunog at nakita ang isang maduming lalaki ang pumasok sa Eagle Room. Muli siyang napamura.
Agad niyang tinungo ang silid. Halos umusok na ang kanyang tainga sa init ng kanyang ulo. Malakas niyang hinaltak ang bakal na hawakan ng pinto. Hindi siya handa sa kanyang nakita.
Punung-puno ng tao ang Eagle Room. Mga lalaki, babae, matatanda, at bata. Lahat sila ay marurungis, nangingitim sa putik at grasa. Walang silang anumang reaksyon, hindi mabasa ang kanilang blankong mga mukha. Tahimik lamang silang nakatingin sa kanya.
“A-Anong ginagawa niyo dito?” halos hindi makapagsalita si Angelo. Inulit niya ang kanyang sinabi sa mas malakas na boses. “Anong ginagawa niyo dito? Hindi kayo pwede dito!”
Biglang sumigaw ang isa sa mga lalaki sa unahan. “Hindi niyo kami mapapaalis dito!” Sabay-sabay na naghiyawan ang lahat ng tao sa silid. Galit na galit sila. Ikinakampay nila ang kanilang mga kamay sa hangin. Pinaghahampas nila ang mga lamesa at upuan. Pati ang mga bata ay nagsisigaw ng mga mura at insulto.
Humakbang papalapit sa kanya ang mga tao.
“T-Teka.” Napahakbang si Angelo paatras.
“Hindi niyo kami mapapaalis dito!” muling sigaw ng lalaki. Pagkatapos ay sabay-sabay silang sumugod.
Walang nagawa si Angelo kundi ang tumakbo. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari ngunit alam niyang nasa panganib siya. Sa kanyang likuran ay dinig na dinig niya ang yabag ng mga tao, at ang kanilang galit na hiyawan.
Pagdating niya sa reception ay wala pa rin si Brenda. Dito niya napansin na walang ibang tao sa paligid, na tahimik na tahimik ang buong gusali maliban sa ingay ng mga humahabol sa kanya.
“Tulong! Eddie! Jose! Gary!” Tinawag niya ang kanyang mga kasamahan ngunit walang sumagot sa kanya.
“Magkakamatayan tayo dito!”
“Hindi kami aalis!”
“Patay kung patay!”
Hindi na nagawa pang lingunin ni Angelo ang mga humahabol sa kanya. Sa kanyang takot at taranta ay kumaripas na lamang siya ng takbo sa isang lugar na alam niyang ligtas. Sa Control Room.
Hindi na niya tiyak kung paano siya nakarating doon. Basta’t nakita na lamang niya na nasa loob na siya ng Control Room, ang pinto ay mariing nakalock. Agad niyang pinulot ang kanyang two-way radio.
“Charlie! Echo 1! Delta! Eddie! Jose!”
Tanging static lamang ang sumagot sa kanya.
“Emergency ito! Sinumang nakakarinig, suma-“ hindi niya naituloy ang kanyang sasabihin. Biglang napako ang kanyang tingin sa mga monitors sa kanyang harapan. Ngunit isa lamang ang tinitingnan niya. Ang Monitor A.
Ipinapakita sa monitor na ito ang loob ng Control Room. Kita ni Angelo ang kanyang sarili, nakayuko sa harap ng mga monitors, hawak-hawak ang two-way radio. Ngunit hindi siya nag-iisa.
Ang mga taong grasa ay nasa loob ng Control Room! Tahimik silang nakatayo sa kanyang likuran.
Napaigtad si Angelo at tumalikod. Iginala niya ang tingin sa buong silid. Walang tao sa likuran niya.
Muli niyang nilingon ang Monitor A at muli ay para bang nawalan ng hininga ang kanyang baga. Naroroon pa rin ang mga taong grasa. At sa pagkakataong iyon, dahan-dahan silang humahakbang papalapit sa kanya.
Hindi na niya nagawa pang lumingon ng maramdaman niya ang malalamig na kamay na humila sa kanya.
|